2 babae na pusher ng ‘party drugs’, tiklo
MANILA, Philippines — Dalawang babae na umano ay nagtutulak ng “party drugs” o ecstacy sa mga bar ang nadakip ng pulisya sa Makati City, kamakalawa.
Kinilala ang dalawang nadakip na sina Karylle Tecson, 32, bar manager, ng #3255 A. Mabini Street, Brgy. Poblacion, Makati at Janine Sibug, 22, entertainer ng F.B. Harrison Street, Pasay City.
Sa ulat, alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation ang mga tauhan ng Makati Police-Drug Enforcement Unit sa isang bar sa kanto ng Makati Avenue at P. Burgos St., Brgy. Poblacion at dito ay nakabili ang asset ng pulisya na nagpanggap na buyer ng ilegal na droga dahilan para dakmain ng mga nakaantabay na mga pulis ang dalawang babae.
Nakumpiska sa mga suspek ang 10 piraso ng tabletas na pinaniniwalaang ecstacy, P3,000 buy bust money, isang shoulder bag at dalawang cellular phones na gamit sa pakikipagtransaksyon nila.
Pinaniniwalaan na kabilang ang dalawang babae na umiikot sa mga bar at nagpapakalat ng party drugs sa mga entertainers at maging sa mga kustomer.
- Latest