Putul-putol na katawan isinilid sa bag... Ina tsinap-chop ng adik na anak
MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang matandang ina sa kamay mismo ng kanyang anak nang matapos patayin ay tsinap-chop pa ang katawan gamit ang isang samurai at saka isinilid sa isang malaking bag naganap sa Brgy. Sinunuc Zamboanga City, kamakalawa.
Ang nasawing biktima ay si Amy Roda Villareal Nur, 72-anyos.
Ang suspek na napatay ng mga pulis nang ito’y manlaban nang aarestuhin ay kinilalang si Dondie al Sharif Nur, 46-anyos.
Batay sa imbestigasyon, madalas umanong saktan ng suspek ang kanyang ina tuwing wala itong naaabutang pagkain sa bahay.
Pero nitong nagdaang araw ay napansin ng mga kapitbahay na hindi na lumalabas ng bahay ang biktima hanggang nakita ng mga kapitbahay si Dondie na nagtapon ng isang malaking bag sa damuhan ‘di kalayuan sa kanilang bahay.
Nang puntahan ng mga kapitbahay ang pinagtapunan ng bag at tinignan ang laman nito ay dito na tumambad sa kanila ang putul-putol nang katawan ng biktima.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at pinuntahan sa bahay ang suspek ngunit nagkulong ito na hawak pa rin ang patalim.
Dito ay napilitan nang pasukin ng mga pulis ang bahay ngunit nanlaban umano ang suspek kung kaya’t napatay ng mga otoridad.
Nabatid na lulong sa droga ang suspek na dumaranas umano ng depresyon mula nang matanggal sa trabaho bilang guwardiya nang gawin ang kalunus-lunos na krimen.
- Latest