Rapist/killers ng Chiong sisters nakalaya na
MANILA, Philippines — Nakalaya na umano sa New Bilibid Prison (NBP) ang mga gumahasa at pumatay sa magkapatid na Maryjoy at Jacqueline Chiong sa Cebu noong 1997 dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson at agad din nilinaw na hindi si Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon ang nakapirma sa release order at sa halip ay isang Marquez.
Nilinaw din ni Lacson na director ng BuCor ang may kapangyarihan na pumirma sa isang release order at ito pa rin ang may “ultimate responsibility” kahit hindi siya nakapirma.
Idinagdag pa ni Lacson na sa nakikita niya, may mga kaya ang napapakawalan katulad ng mga nahatulan sa kaso ng Chiong sisters.
“So far ang nakikita natin, mga may kaya ang mga nare-release. Ang convict sa Chiong sisters, mga may kaya yan sa Cebu. Kay Antonio Sanchez may kaya definitely yan. Pagkatapos itong mga Chinese drug lords, siguradong may kaya,” sabi ni Lacson.
Una nang ibinunyag ni Lacson ang paglaya mula sa Bilibid ng mga drug lords na sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che, Wu Hing Sum at Ho Wai.
Ipinahiwatig ni Lacson na mayayaman ang nakikinabang sa GCTA at naiiwan sa loob ang mga mahihirap kaya’t “pera pera” ang nangyayari sa New Bilibid Prison.
- Latest