Mga guro walang multa at kulong sa ‘no homework’ bill
MANILA, Philippines — Inamin kahapon ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na nagkamali siya sa panukalang pagmultahin ang mga guro ng P50,000 at makulong ng hanggang 2 taon sa kanyang panukalang “no homework bill” sa mga estudyante tuwing weekends.
Humingi ng paumanhin si Vargas na ang nasabing probisyon sa penalty ng mga guro ay para sa isang panukalang batas na ipinahahanda niya sa kanyang mga staff na kasabay ng bill sa pagba-ban ng mga homework.
Aminado naman ang solon na nagkaroon lang ng kalituhan na isang “honest mistake” na kanyang pinaninindigan at hindi isang criminal law kung saan ay dapat walang magiging multa ang mga guro sa no homework bill.
Alinsunod sa nasabing panukala ay ipinagbabawal sa mga guro sa elementarya at high school na bigyan ng assignment ang kanilang mga estudyante para gawin ng mga ito sa kanilang tahanan tuwing Sabado at Linggo.
Inihayag nito na isinulong niya ang homework ban tuwing weekends upang bigyan ng oportunidad ang mga estudyante sa aspeto sa labas ng classroom.
- Latest