BIR chief kinasuhan ng libel si Mon Tulfo
MANILA, Philippines — Dahil sa mga serye ng kolum ni Mon Tulfo sa Manila Times ay sinampahan ito kahapon ni BIR Commissioner Caesar Dulay ng kasong ‘libel’ at ‘cyber libel’ sa piskalya ng Quezon City.
Batay sa reklamo ni Dulay na “false, reckless, at defamatory” ang mga bintang ni Tulfo laban sa kanya sa serye ng mga kolum nito sa nasabing pahayagan kung saan inilarawan din umano siya bilang isang “matakaw” at “korap” na opisyal ng gobyerno.
Kasama rin sa reklamo sina Manila Times President and CEO Dante F.M. Ang 2nd, at mga editors na sina Rene Q. Bas, Blanca C. Mercado, Nerilyn A. Tenorio, Leena C. Chua, Arnold Belleza at Lynette O. Luna.
Humihingi si Dulay ng danyos na P20 milyon na aniya ay ibibigay naman niya para sa mga batang may kapansanan sa L’Arche (Ang Arko ng Pilipinas, Inc.).
Bukod sa danyos, hiniling din ni Dulay na maglabas ang korte ng “precautionary hold departure order” (HDO) laban kay Tulfo.
Ang reklamo ay patungkol sa serye ng mga artikulo ni Tulfo, partikular sa naging desisyon ng BIR sa mga kaso ng Del Monte Philippines at Mighty Corporation kung saan nagpahayag ng kanyang opinyon si Tulfo na may nangyaring “aregluhan” na milyong halaga ang nasasangkot.
Ang mga artikulo ay lumabas din sa “online edition” ng Manila Times, sa ‘Facebook account’ nito at maging sa FB account ni Tulfo, na naging ‘viral’ umano at napabalita sa buong mundo.
Una nang nagsampa ng tatlong bilang ng libel at cyber libel laban kay Tulfo at sa Manila Times si Executive Secretary Salvador Medialdea kung saan P140 milyon naman ang hinihingi nitong danyos-perwisyo.
- Latest