3 mag-uutol, mister minasaker sa inuman
MANILA, Philippines — Tatlong magkakapatid at mister ng isa rito ang nasawi nang sila ay ratratin habang masayang nag-iinuman sa loob ng isang bar na kanilang pag-aari, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Fabrica,Bula, Camarines Sur.
Ang mga biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Bicol Medical Center ay ang magkakapatid na sina Rodelio Pagtolon-an, Nathaniel Pagtolon-an, Chuchi Pagtolon-an Baladad at mister nitong si Orlando Baladad, 50, lahat ay residente ng nasabing barangay.
Sa ulat na nakarating kay Police Regional Office (PRO) V Director Police Brig. Gen. Arnel Escobal, dakong alas-8:20 ng gabi ay masayang nag-iinuman ang mga biktima sa nakasarado nilang “Kambingan IIokano Bar and Grill” na matatagpuan sa Zone-1, Sitio Pecuaria, Brgy. Fabrica nang dumating sa lugar ang dalawang salarin at sinipa ang pinto.
Nang mabuksan ay pinagbabaril ang mga biktima na duguang bumulagta at tumakas ang dalawang suspek sa kadiliman.
Nakuha ng mga rumespondeng pulis ang 32 na basyo ng mga bala ng kalibre .45 at kalibre.9 MM na baril.
Away sa negosyo ang isa sa tinitingnang motibo sa pamamaslang.
- Latest