E-trike sa Maynila, ipagbabawal na
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno na ipagbabawal na niya ang pagbiyahe ng e-tricycles matapos ituring ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang uri na isang “laruan”.
“Ako pinapa-pull out ko na. We will pull it out kasi (because) it generates chaos,” pahayag ni Moreno sa mga mamamahayag matapos ang pakikipagpulong sa ibang Metro Manila mayors.
Sinabi rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi maaaring i-regulate ang e-trikes dahil ito ay hindi isang motorized vehicles.
“’Yung LTFRB binigyan ng prebiliheyo na makapag-hanapbuhay ‘yung jeepney driver tapos inagawan ng pasahero ng e-trike na walang prangkisa pero may pagkilala ng lokal (na pamahalaan),” wika ni Moreno.
Hiniling ni MMDA Chairman Lim, na bigyan ng atensyon ang mga e-trike na kung saan-saan na lang bumibiyahe na dinaig pa ang jeep na may ruta.
Una na ring sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na hindi pwede sa public roads ang e-trike dahil sa bagal ng takbo nito at pwede lamang ang mga ito sa subdivision.
Lumilitaw na 280 ang e-trikes na bumibiyahe ngayon sa Maynila.
- Latest