Abogado patay sa ambush
MANILA, Philippines — Isang abogado ang nasawi habang nasa malubhang kalagayan ang misis nito nang tambangan ng armadong riding-in-tandem habang sakay ng kanilang sports utility vehicle (SUV) na galing sa isang court hearing sa highway ng Brgy. Poblacion, Guihulngan City, Negros Oriental nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Atty. Anthony Trinidad, 54 anyos.
Isinugod naman sa pagamutan sa Dumaguete City ang sugatan nitong misis na si Novie Marie, 53.
Sa inisyal na ulat, kasalukuyang lulan ng SUV ang mag-asawa galing sa paglilitis ng korte sa La Libertad nang tambangan ng mga suspek pagsapit sa Sitio Look, Brgy. Poblacion ng lungsod pasado alas-3:00 ng hapon.
Ayon sa opisyal pinaputukan ng sunud-sunod ng mga salarin ang sasakyan ng biktima kung saan napuruhan ang target na abogado. Agad tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito kung saan kabilang sa sinisilip na anggulo ay may kinalaman ito sa trabaho ng biktima at ikalawa ay posibleng sa communist insurgency sa Negros Oriental.
- Latest