HPG major tiklo sa kotong sa Camp Crame
MANILA, Philippines — Sa loob pa mismo ng Philippine National Police Headquarters sa Camp Crame dinakip ang isang police major ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) matapos ireklamo ng pangongotong ng isang overseas Filipino worker (OFW).
Kinilala ni PNP-IMEG Chief Col. Romeo Caramat Jr., ang naarestong suspek na si Police Major Raul Salle, nakatalaga bilang Deputy Chief ng Operations Management Division ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Sa ulat bandang alas -5:26 ng hapon nang arestuhin ng mga elemento ng PNP-IMEG si Salle sa entrapment operation sa loob ng Camp Crame sa aktong tinatanggap ang P412,120 mula sa nagrereklamong biktima na si April Ochenta.
Ayon kay Caramat, nag-ugat ang kaso noong Nobyembre ng nagdaang taon matapos na ireport ni Ochenta sa PNP –HPG na nakarnap ang kaniyang Mitsubishi Pajero kung saan si Salle ang tumanggap ng reklamo.
“But according to the victim, the subject officer asked her to pay P140,000 in order for them to start the investigation,” ani Caramat.
Dahilan nabigo si Ochenta na maibigay ang halaga na hinihingi ni Salle ay inirekomenda nitong humiram muna ito ng pera sa isang sibilyang empleyado ng PNP-HPG na nagngangalang Alex.
Humiram ng P 70,000 ang biktima kay Alex kung saan ang behikulo ng nagrereklamo ang ginawang insurance o pang-prenda para mabayaran ang nasabing halaga.
Nabatid na nagtratrabaho sa Canada si Ochenta kung saan nang isagawa ang transaksyon ay paalis na ito sa bansa at nang dumating ito sa bansa ay nais na mabawi ang kaniyang sasakyan pero tumanggi si Salle na ibigay ang behikulo kung hindi umano babayaran ang hinihingi nitong P440,000 kapalit ng pagpapalabas sa kaniyang Mitsubishi Pajero.
Kaya’t nagreklamo na at humingi ng tulong ang biktima sa PNP-IMEG kung saan dito na isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito upang alamin kung may iba pang nabiktima si Salle sa kaniyang extortion racket at kung kasabwat nito sa katiwalian ang isang sibilyan ng PNP-HPG na si Alex.
- Latest