Caretaker timbog sa P68-M shabu sa poultry farm
MANILA, Philippines — Nakasamsam ang mga otoridad ng nasa P68 milyon halaga ng shabu nang salakayin ang isang poultry farm kahapon sa Lipa City, Batangas na kung saan naaresto ang caretaker na si Eugene Fernandez.
Sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon nang salakayin ng mga otoridad ang poultry farm na matatagpuan sa Brgy. San Francisco ng lungsod sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Cynthia Mariño Ricablanca ng Regional Trial Court (RTC) ng Tanauan City laban sa suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang aabot sa 10 kilo ng shabu na itinago sa mga pakete ng kulay berdeng tea bag sa poultry farm.
Ang suspek ay isinailalim sa surveillance operation matapos na magsimulang magduda ang mga otoridad dito dahilan sa kabila ng caretaker lamang ay malakas itong pumusta sa sabungan na may mga pagkakataong natatalo ng P500,000.00 na naging marangya rin ang pamumuhay.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang isang cal. 45 pistol na baril na kargado ng bala, ilang paso na may tanim na marijuana at mga drug paraphernalia.
- Latest