Misis na kukuha ng pera sa remittance center, nasalpok ng dyip
MANILA, Philippines — Hindi na nagawang makuha pa ng isang 43-anyos na ginang ang kanyang suweldo na ipinadadala sa remittance center matapos na masalpok ng isang pampasaherong jeep habang tumatawid, kamakalawa ng hapon sa Malate, Maynila.
Ang biktima na binawian ng buhay sa ospital ay nakilalang si Christina Flores, 43, may anak na 1 taong gulang at administrative staff ng isang negosyo sa ibayong dagat at residente ng Malate, Maynila.
Ang suspek na kinasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide ay si Nerio Jumawan Y Lapinig, ng no. 2467 Coral St., Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat, bago nangyari ang insidente pasado alas-2:00 ng hapon sa panulukan ng Estrada at Singalong Sts., Malate ay tumatawid ang biktima habang naka-red light nang biglang lumiko mula sa kaliwa ang pinapasadang jeep (PYD-118) ni Jumawan at nabundol ang biktima na pumailalim pa sa sasakyan.
Pinagtulungan ng maraming nakasaksi na buhatin patagilid ang dyip upang makuha sa ilalim ang biktima at itinakbo sa pagamutan, subalit namatay din dahil sa matinding pinsala sa katawan na nadurog din ang mga buto.
Nabatid na bumalik ang biktima sa remittance center matapos na hindi niya ito nakuha dahil naiwan ang kanyang ID.
- Latest