2 kasambahay dinakip sa pagtangay ng P1.5-M cash at alahas
MANILA, Philippines — Dalawang kasambahay ang naaresto noong Sabado matapos umanong tangayin ang nasa P1.5 milyong halaga ng cash at alahas mula sa dati nilang amo sa San Juan City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Lourdes De Asis, alyas Lulu, 49; at Analyn Escari, alyas Inday, 20, kapwa stay-in helpers sa 105 Kennedy Street, North Greenhills, Barangay Greenhills, San Juan City ng nagrekla-mong si Victoria Marzan sa Barangay Greenhills.
Natuklasan ni Marzan, 58, na nawala sa kaniyang safety vault ang kaniyang mga pera at alahas noong Sabado, 2 araw matapos magbitiw sa trabaho ang 2 suspek bilang kaniyang mga kasambahay.
Isang buwan lang nanilbihan kay Marzan ang 2 suspek matapos irekomenda ang mga ito ng kaanak ni alyas “Lulu,” ayon sa pulisya.
Ilang alahas at mga accessories na ang nagkakahalaga ng P150,000 ang nabawi ngunit hindi pa narerekober ang P910,000 halaga pa ng iba’t ibang uri ng alahas, gayundin ang P500,000 cash na nakalagay sa vault.
Posibleng modus ng mga suspek ang mag-aplay bilang mga kasambahay para matangay ang mga mamahaling gamit ng kanilang mga amo.
Nakadetine sa San Juan City Police Custodial Facility ang 2 suspek na nahaharap sa kasong qualified theft.
- Latest