Sugar profiteers, dapat parusahan-Koko
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Senate Trade and Commerce Chair Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Huwebes ang Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng aksiyon laban sa mga wholesaler at retailer na nagpepresyo nang mahal sa asukal sa harap ng matatag na presyo sa mill gate ng mahalagang bahagi ng pagkaing ito.
Ipinahayag ng mambabatas mula sa Mindanao na pinagtibay din ng DTI ang katotohanang may mga mangangalakal at retailer na nagbebenta sa asukal nang mas mataas kaysa suggested retail price (SRP) kahit malaki ang suplay ng asukal.
Naunang ipinabatid ni DTI Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo na hindi lingid sa kaalaman ng pamahalaan ang mga pagtatangkang manipulahin ang presyo ng asukal at nag-isyu na ang DTI ng Letters of Inquiry sa mga nagbebenta ng asukal nang mas mataas kaysa SRP.
“Sugar is essential in every Filipino household, and government should prevent any attempt to exploit this for profit at nararapat lamang kasuhan ng DTI ang mga nagtutubo nang sobra na paglabag sa Republic Act 7581 o ang Price Act.”wika ni Pimentel.
Sa ilalim ng Section 15 ng nasabing batas, ipinaliwanag ni Pimentel na sinuman ang kumilos para ilegal na manipulahin ang presyo ng anumang pangunahing pangangailangan ng tao sa pamamagitan ng pagtutubo, pagtatago ng suplay at pakikiisa sa kartel ay papatawan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at magmumulta ng hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P2 milyon.
- Latest