Todas sa tigdas, 215 na
MANILA, Philippines — Umakyat na sa mahigit 200 ang nasawi sa kumplikasyon sa sakit na tigdas ang naitala ng Department of Health (DOH).
Sa pinakahuling datos, nasa 215 katao na ang nasawi sanhi ng kumplikasyong sa tigdas mula Enero 1 hanggang Pebrero 26, mula sa kabuuang 13,723 na tinamaan ng sakit sa bansa, ayon sa DOH-Epidemiology Bureau.
Gayunman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, dahil sa puspusang kampanya ng vaccination program laban sa tigdas, unti-unti na umanong gumaganda ang turnout o mas marami na ang nababakunahan.
Naniniwala ang kalihim na inaasahan ang pagbaba na ng mga kaso ng mabibiktima ng tigdas.
Bukod sa pagbabahay-bahay at pagtungo sa mga barangay ng health workers para sa libreng bakuna, pinayuhan ni Duque ang mga magulang na magkusa nang alamin kung kailan at saan mapapabakunahan ang kanilang anak upang makatiyak na makakakuha ito ng proteksiyon laban sa nasabing sakit.
Samantala, naitala naman ang bansa bilang top 3 na may mataas na kaso ng tigdas sa buong mundo batay sa tala ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF).
Sa ulat ng UNICEF, umaabot sa 98 mga bansa ang nakapagtala ng mataas na kaso ng tigdas para sa taong 2018 kumpara sa taong 2017.
Sa mga bansang may mataas na kaso ng tigdas ay nangunguna na ang Ukraine may 35, 120 kaso; Brazil may 10, 262 at Pilipinas na may 15, 599 kaso mula Enero hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero ngayong taon . Mataas ito kung ikukumpara sa 2,407 kaso ng tigdas sa Pilipinas noong 2017.
- Latest