‘Taho girl’, ipapa-deport
MANILA, Philippines — Irerekomenda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagdeklara sa babaeng Chinese na sangkot sa pananaboy ng taho bilang “undesirable alien.”
Ayon kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, magiging basehan daw ang pagbansag na “undesirable alien” kay Jiale Zhang para mapa-deport ito o mapalayas sa bansa.
“We will recommend to the Bureau of Immigration that she be considered and declared as an ‘undesirable alien,’ which will eventually be the basis for her deportation,” wika ni Eleazar.
Inaresto noong Sabado si Zhang, isang 23-anyos na fashion design student, matapos sabuyan ng taho si Police Officer 1 William Cristobal sa MRT-3 Boni Station.
Tinangka ni Zhang na pumasok sa platform ng Boni Station nang may bitbit na taho, na ipinagbabawal dahil sa umiiral na liquid ban sa mga tren kasunod ng mga pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan.
Namagitan lamang si Cristobal nang harangin ng MRT security si Zhang nang bigla nitong sinabuyan ang pulis.
“Hindi lang naman sa kanya isinasagawa ito kundi sa lahat. Kahit sino sa atin na nandito, pag-ganyan ang gagawin mayroong corresponding action na dapat gawin ang ating mga pulis,” ayon kay Eleazar.
- Latest