Rollback sa gasolina, taas-presyo sa LPG
MANILA, Philippines — Nagpatupad ng rollback sa presyo ng gasolina at diesel kahapon ang mga kumpanya ng langis makaraan ang apat na linggong magkakasunod na oil price hike nito.
Sa advisory ng Phoenix Petroleum Philippines, epektibo ng alas-6:00 kahapon ng umaga ay nagbawas ng presyo sa gasolina ng P0.65 kada litro at P0.35 sa kada litro naman sa diesel.
Batay sa kuwenta, maglalaro sa P0.60 hanggang P0.70 kada litro ang bawas sa presyo ng gasolina, P0.30 hanggang P0.40 sa diesel, at P0.10 hanggang P0.20 naman sa kerosene.
Ayon naman sa Unioil, mula naman sa Pebrero 5 hanggang 10, na bababa ang presyo ng diesel na nasa P0.30 hanggang P0.40 kada litro at ang gasolina naman ay nasa P0.60 hanggang P0.70 kada litro.
Sa magkahiwalay naman na abiso ng Jetti, tatapyasan nila ng P0.35 hanggang P0.40 ang kada litro ng diesel at P0.65 hanggang P0.70 ang kada litro naman sa gasolina.
Samantala, nagtaas na naman ng presyo sa kada kilo ng liquefied petroleum (LPG) gas ngayong araw na ito ng Linggo (Pebrero 3) ang ilang oil companies.
Inanunsiyo kahapon ng Eastern Petroleum Corp., na epektibo ng alas-6:00 ng umaga, ang kanilang EC Gas LPG ay nagtaas ng P3.40 kada kilogram o P37.40 para sa 11-kilo tank.
Kahapon ang Regasco LPG ay tumaas sa P646 sa bawat 11-kilogram tank.
- Latest