Mayor Baldo na utak sa Batocabe slay, inaresto ng CIDG
Possession of illegal firearms...
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo nang salakayin ang bahay nito kahapon sa Barangay Tagas dahil sa umano’y pagtatago ng hindi lisensiyadong mga armas.
Si Baldo ang itinuturo ng ilang saksi na utak sa pagpatay kay Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre.
Batay sa ulat, kahapon ng umaga nang salakayin ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Elmer Lanuzo ng Legazpi Regional Trial Court ang bahay nito at dito ay narekober ang iba’t ibang klase ng baril, mga bala, mga granada.
Agad na inaresto si Baldo matapos na madiskubre ng mga otoridad na mga walang permit ang nasabing mga armas tulad ng dalawang kalibre 45 baril na puno ng bala, isang magazine para sa Uzi machine pistol, bala para sa grenade launcher; walong bala para sa cal-45; at bala para sa M16 rifle.
Narekober din ang isang puting Isuzu Alterra (BCW 941) ni Baldo na umano ay ginamit bilang get away vehicle sa krimen.
Magugunita na noong Disyembre 22 ay binaril at napatay si Batocabe kasama ang kanyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz, habang nagsasagawa ng gift-giving event sa covered court ng Barangay Burgos, Daraga, Albay.
Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder si Baldo kaugnay sa pagpatay kay Batocabe at sa aide nito at pagkasugat ng pitong iba pa.
- Latest