Ombudsman wala pang probe sa flood control fund scam
MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan ng Office of the Ombudsman ang mga naglalabasang ulat na sinisimulan na nila ang imbestigasyon sa umanoy multi bilyong pisong flood control fund scam.
Umapela rin sila kay House Majority Leader Rolando Andaya na huwag idamay ang anti graft body sa away politika.
Sa inilabas na statement ni Ombudsman Samuel Martires na taliwas sa sinasabi ni Andaya ay hindi pa sila nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa privilege speech nina Senator Panfilo Lacson at Rep. Andaya.
“Truth of the matter is, we have not seen any red flag even from the horizon because we have not been sufficiently educated as to the subject matter of the privilege speeches of Sen. Lacson and Rep. Andaya, and as we have yet to fully investigate the matter,” ayon pa kay Martires na ang tinutukoy ay ang privilege speech ni Lacson at Andaya tungkol sa umanoy maanomalyang budgetary insertions sa nakalipas na dalawang taon.
Noong Miyerkules ay matatandaan na sinabi ni Rep.Andaya na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Ombudsman sa umanoy flood control scam dahil napansin ng anti-graft body ang umanoy “noticed red flags of corruption” sa mga ebidensiya at testimonya na lumabas noong hearing ng Kamara.
Nilinaw ni Martires na bagamat iniutos niya sa isang staff na kumuha ng speech ni Andaya sa House Committee on Rules, gayundin ng mga materials at slides na ginamit ng kongresista noong hearing ay hindi naman ito nangangahulugan na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang kanyang tanggapan.
Pinayuhan ni Martires na mas mabuting tumutok na lang ang Kamara sa sarili nilang imbestigasyon at kung may sapat na ebidensya para balikan si Budget Secretary Benjamin Diokno ay saka sila maghain ng reklamo sa Ombudsman.
- Latest