Mag-amang Garin kinasuhan na ng PNP
MANILA, Philippines — Pitong kasong kriminal at apat na kasong administratibo ang isinampang kaso kahapon ng Police Regional Office (PRO) 7 laban kina Iloilo 1st District Rep. Richard Garin at ama nitong si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin matapos mambugbog, manutok ng baril at mandura ng isang pulis sa kanilang bayan sa nasabing lalawigan.
Ayon kay PRO7 (Western Visayas) Director P/Chief Supt. John Bulalacao ang kaso ay kanilang isinampa bandang alas-4:30 ng hapon sa Ombudsman ng Visayas Region.
Ang mag-ama ay akusado sa pambubugbog sa imbestigador ng Guimbal Police Station na si PO3 Federico Macaya Jr., na dinisarmahan ng mga ito kamakalawa, pinosasan, saka pinagtatadyakan, pinagsasampal na hindi pa nakuntento ay dalawang beses pang dinuraan sa mukha ng solon.
Kabilang naman sa pitong kasong kriminal na isinampa laban sa mga akusado ay direct assault, grave coercion, grave threats, physical injuries, slander by deeds, serious illegal detention at alarm and scandal.
Kabilang naman sa apat na kasong administratibo laban sa mag-ama ay grave misconduct, conduct unbecoming, oppression, abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of the public.
Una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na hindi sila aatras sa pagsasampa ng kaso laban sa mag-amang Garin sa kabila nang paghingi ng sorry ni Rep. Garin na personal na tumawag kamakalawa ng gabi kay P/Chief Bulalacao.
Magugunita na naganap dakong alas-3:30 ng madaling araw nitong Miyerkules pero nakarating kay Bulalacao bandang alas -4:20 ng hapon kung saan ipinatawag ng kongresista at kaniyang ama sa hepe ng Guimbal Police na si Senior Inspector Antonio Monreal ang biktimang si PO3 Macaya Jr, sa pampublikong plaza ng bayan ng Guimbal.
Agad na pinadisarmahan ni Rep. Garin kay Monreal si PO3 Macaya, saka pinosasan, pinagtatadyakan at pinagsasampal ng solon na hindi pa nakuntento ay dalawang beses na dinuraan sa mukha habang si Mayor Garin naman ay tinututukan ito ng baril.
Nag-ugat sa kaguluhan at sakitan sa pagitan ng anak na lalaki ng isang Sanggunian Bayan member na kalaban sa pulitika ng mga Garin at sa anak ng isang OFW na hinampas ng bote ng beer ng una sa ulo kung saan si PO3 Macaya ang imbestigador sa kaso.
Nagalit umano ang mga Garin nang hindi nasampahan ng kaso ang anak ng SB member dahilan naman sa pag-atras ng biktima na hindi na nais pang ipursige ang pasasampa ng kasong kriminal bagay na ikinagalit ng mag-ama kaya napagdiskitahang bugbugin at duraan pa sa harapan ng publiko ang pobreng pulis.
- Latest