2 ‘killer’ ng Amerikana, tiklo
MANILA, Philippines — Mabilis na naaresto ng mga otoridad ang dalawang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang babaeng American citizen kasunod ng pagkakatuklas ng bangkay nito na nakasilid sa isang malaking kahon sa isang bahagi ng Ilog Pasig sa Baseco Comp., sa Port Area, sa Maynila kahapon.
Ang mga nadakip na suspek ay kinilalang sina Troy Woody Jr., 21-anyos, nobyo umano ng biktima, American national, CEO ng Luxr Limited Liability Company at nanunuluyan sa 14th flr Avida Tower, sa One Edsa cor. Reliance St. Brgy Highway Hills, Mandaluyong City, at Mir Islam, isa ring American national at CEO din ng Luxr Limited Liability Company at naninirahan sa Unit 1610 16th flr. Manila Residences, Bocobo Condominium, sa Ermita, Manila.
Ang biktima na natuklasan sa Ilog Pasig na nakabalot ng garbage bag at nakasilid sa isang malaking kahon ay kinilalang si Tomi Michelle Masters, 23, tubong Indiana, USA at nanunuluyan din sa tinutuluyang condominium ni Troy.
Sa inisyal na ulat mula kay MPD Director S/Supt. Vicente D. Danao Jr., nai-report sa kanila ng Grab driver na si John Kenneth Quimba ang kaniyang nasaksihan kaugnay sa kahon na inihulog umano ng kanyang dalawang pasaherong banyaga sa Pasig River dakong alas 2:40 ng madaling araw.
Nagduda ang Grab driver, dahil sa halip na dumiretso na sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila ang 2 pasahero ay nagpadaan pa ito sa kanya sa nasabing lugar at nais lang umanong makita ang Pasig River subalit nasorpresa nang ihulog sa dagat ng dalawa ang dalang malaking kahon bago nagpahatid sa destinasyon.
Nagpa-book umano ang nasabing pasahero na sinundo niya sa Tower 1 Avida Towers sa Mandaluyong City at nagpapahatid sa Robinson’s Place Manila.
Nang i-report sa pulisya ay agad tinungo ang Baseco kung saan nasagip ang kahon na naglalaman ng bangkay ng biktima.
Nang isagawa ang follow-up operation ay nasakote ng mga tauhan ng MPD-Station 5 at MPD-Homicide Section ang dalawang suspek sa tinutuluyang unit ni Islam.
- Latest