3 tauhan ng towing company, inaresto sa kotong
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang tatlong tauhan ng isang towing firm sa ikinasang entrapment operation kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Ang tatlong suspek ay kinilalang sina Regina Irenea, 31, ng Sinilyasi Street, Brgy. 8, Caloocan; Jori Baltes, 38, ng Madukay St., Brgy. 128, Caloocan; at Christian Abia, ng Mabuhay, Cabuyao, Laguna.
Batay sa ulat, nagreklamo sa pulisya ang biktimang si Demosthenes Novelo, 42, may-asawa, negosyante tungkol sa iligal na pag-tow sa kanyang Isuzu truck (WMW-173) ng mga suspek na trabahador ng Telva Towing Services na nakaparada sa may C-3 Road malapit sa Rizal Avenue Extension dakong alas-12:10 ng madaling araw.
Dito nakipagtransaksyon sa kanya ang mga suspek na para maibalik ang trak ay kailangang magbigay ng P10,000.
Nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek nang tanggapin ang marked money sa biktima sa may tapat ng isang gasoline station sa C-3 Road Brgy. 14, Caloocan.
Ang mga suspek na nakakakulong sa Caloocan City Police Detention Center at kinasuhan ng robbery extortion.
- Latest