Pinay worker na nailigtas sa death row sa Middle East, nakauwi na
MANILA, Philippines — Dumating na kahapon ang Pinay worker na si Jennifer Dalquez, 29, tubong General Santos City, na nakulong ng limang taon dahil sa pagpatay sa kanyang amo sa United Arab Emirates matapos na siya ay pinawalang sala.
Ayon sa tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Asst. Secretary Elmer Cato, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pasado alas-11:00 kahapon ng umaga sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight si Dalquez, kasama ang nasa 86 undocumented OFWs na nag-avail ng amnesty program ng gobyerno ng UAE.
Bago umalis si Dalquez ay labis itong nagpasalamat sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa matagumpay itong nailigtas mula sa death row.
Ikinatuwa ni Ambassador to the UAE Hjayceelyn Quintana dahil makakasama na ni Dalquez ang kanyang pamilya sa Pilipinas.
Matatandaan na si Dalquez ay hinatulan ng kamatayan ng Abu Dhabi court matapos nitong patayin sa saksak ang kanyang amo dahil sa pagtanggol nito sa sarili nang tangka siyang patayin matapos itong tumangging makipag sex noong 2014.
Kaagad inapela ng embahada ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga abogado nito hinggil sa naging hatol na kamatayan laban sa nabanggit na Pinay worker na pinagbigyan naman ng local court noong 2017 hanggang sa ito ay pinalaya noong Oktubre 25.
- Latest