Jackpot sa ultra lotto P1-B na
MANILA, Philippines — Umabot na sa P1 bilyon ang jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58 draw, na muling bobolahin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong gabi.
Ito’y matapos na wala pa ring jackpot winner sa winning combination na 45-21-02-30-07-10, na binola nitong Linggo ng gabi, at may katapat sanang jackpot prize na P954, 503, 164.
Bagamat walang nakakuha ng jackpot, 27 bettors naman ang nakakuha ng lima sa six-digit winning combination, na nagkakuha ng consolation prize na tig-P46, 890.
Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, ang P1-bilyong jackpot prize ay bukas sa sinumang gustong tumaya rito, maging Filipino man o dayuhan, ngunit kinakailangang nagkaka-edad ng 18-taong gulang pataas.
Tiniyak ni Balutan sa publiko na lahat ay may patas na pagkakataon upang manalo dahil ang lottery games ay live na binobola naman sa pamamagitan ng makina at naka-ere pa sa telebisyon.
Umaasa naman si Balutan na marami ang magwawagi sa napakalaking jackpot prize.
Nabatid na ang pinakamalaking jackpot prize na naitala sa kasaysayan ng PCSO ay P741 milyon na napanalunan sa Grand Lotto 6/55 ng isang lalaking Filipino-American na nagbakasyon lamang sa Pilipinas at tumaya sa isang lotto outlet sa duty free shopping center sa Olongapo City, Zambales noong Nobyembre 29, 2010.
- Latest