2 military trucks nakaposisyon sa Senado
MANILA, Philippines — Nakaposisyon na ang dalawang military trucks sa Senado at mga Military Police (MP) upang ipatupad ang pag-aresto kay Senador Antonio Trillanes IV sa bisa ng arrest order na inisyu ng AFP Provost Marshal kaugnay ng pagsasalang dito sa court martial.
Ang dalawang military trucks na may lulang mga sundalo na ipinadala na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Senado kaugnay ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin si Trillanes matapos bawiin o ipawalang bisa ang amnestiya nito kaugnay ng Oakwood mutiny noong Hulyo 2007 at Manila Peninsula siege noong Nobyembre 2007.
Dakong alas-7:00 pa lamang ng umaga nang maispatan ang dalawang military trucks na may lulang tig-20 sundalo na naatasang umaresto kay Trillanes.
Si Trillanes ay hindi maaring arestuhin sa loob ng premises ng Senado habang may sesyon at bawal din ang mga pulis at sundalo na pumasok sa loob ng naturang gusali.
Bukod dito ay may mga nakabantay ding PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para tumulong sa Military Police na dadakip kay Trillanes.
Ayon sa sources, si Trillanes ay aarestuhin sa oras na lumabas ito ng Senado kaya bantay sarado ang premises nito sa mga pulis at sundalo.
Isa sa military truck na umaligid sa Senado ay pumarada sa harapan ng Government Service Insurance System (GSIS) habang ang isa pa ay pumarada sa di kalayuan ng gusali ng Senado.
Si Trillanes ay lilitisin sa court martial matapos ipawalang bisa o bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya laban dito kaugnay ng pagkakasangkot sa dalawang bigong coup de etat sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
- Latest