Cebu mayor itinumba sa opisina
Nasa Duterte’s drug list…
MANILA, Philippines — Mismong sa loob ng kanyang opisina pinagbabaril ng apat na lalaki ang isang Mayor na nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahapon ng madaling araw sa Brgy. Poblacion, Ronda, Cebu.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Mayor Mariano Blanco III, at residente ng Brgy. Langin, Ronda, Cebu.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong ala-1:30 ng madaling araw ay natutulog si Mayor Blanco sa kaniyang opisina nang biglang dumating sa lugar ang apat na mga armadong kalalakihan na sakay ng van at inutusan ng mga security escort ng nasabing alkalde na magsidapa.
Ilang sandali ay sunud-sunod na putok ang umalingawngaw mula sa tanggapan ng alkalde at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek.
Nang makaalis ang mga suspek ay agad namang tinungo ng mga security escort ang tanggapan ng alkalde at tumambad ang duguang katawan na wala nang buhay.
Nabatid na simula nang tukuyin ni Pangulong Duterte ang alkalde na nasa drug list ay nagbago ito ng routine kung saan madalas na sa kaniyang tanggapan na ito natutulog at hindi na gaanong nag-iikot sa kanilang bayan.
Si Mayor Blanco ay magkakasunod na nanalo bilang mayor noong 2010, 2013 at 2016 elections
Ang pagpatay kay Mayor Blanco ay nangyari pitong buwan matapos paslangin si Ronda Vice Mayor Jonah John Ungab nang mga armadong kalalakihan sa labas ng korte sa Cebu City noong Pebrero 2018.
Si Ungab ay legal counsel ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.
- Latest