3 drug suspects todas sa Bacoor
P1-M shabu nasamsam...
MANILA, Philippines — Nasawi ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng ISO drug group nang mauwi sa shootout ang pagsisilbi ng search warrant ng mga otoridad laban sa mga suspek kamakalawa ng hapon sa Bacoor City, Cavite.
Ang mga napatay na suspek ay kinilalang sina alyas Badong, Harries Iso; at Diowie Concepcion alyas Asiong; pawang mga miyembro ng bagong sibol na ISO Drug group sa lungsod na kung saan ay nasamsam ang nasa mahigit P1-M halaga ng shabu.
Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon nang magsagawa ng operasyon ang Station Drug Enforcement Unit ng Bacoor City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod na kung saan ay bitbit ang anim na search warrants na inisyu ni Executive Judge Agripino Morga sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Anti-Illegal Drugs Act) laban sa mga suspek.
Sinuyod ng mga otoridad ang drug den ng mga suspek na sangkot sa shabu tiangge bukod pa sa robbery/hold up sa Brgy. Alima at Siniguelasan ng lungsod.
Subalit, kumasa ang mga suspek na agad nagpaputok na nauwi sa mainitang engkuwentro sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng mga target.
Sa nasabing operasyon, ay 26 pang mga drug personalities ang nasakote ng mga otoridad at nakumpiska ang dalawang cal. 45 pistol , dalawang cal 38 revolvers, isang cal 22 revolver ang shabu na aabot sa 150 gramo na nagkakahalaga ng mahigit P1-M at mga drug paraphernalia.
- Latest