3 parak na kidnaper, 3 pa tinutugis
MANILA, Philippines — Pinaghahanap ng mga otoridad ang 6 miyembro ng isang notoryus na kidnapping for ransom (KFR) gang kabilang ang tatlong aktibong pulis, isa rito ay lider kaugnay nang pagdukot kamakailan sa isang ginang na negosyante sa lalawigan ng Laguna.
Ang mga pinaghahanap na mga suspek ay kinilalang sina PO1 Michael Siervo, lider ng KFR gang mga kasamahan nitong sina PO1 Ronald Carandang at PO2 Jonathan Galang.Isa nilang kasama na si PO2 Gerald Bonifacio ay nasawi matapos patayin ni PO2 Galang dahilan sa onsehan ng partehan ng pera sa kanilang illegal na gawain. Habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlo nilang kasamahan.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, ang mga suspect ay natukoy na responsable sa pagdukot kay Bonifacia Arcita sa Brgy. Pansol, Calamba City, Laguna noong Hulyo 29 ng madaling araw.
Una ng kinasuhan sa illegal drug trade si Arcita, pero nadismis ng korte dahilan ang mga umupa sa apartment nito ang tulak ng droga.
Si Arcita ay nasagip ng mga operatiba ng PNP-AKG noong Agosto 1, 2018 sa bodega sa Purok 4, Brgy. Tranca, Bay, Laguna kung saan natukoy sa follow-up investigation na pag-aari ni Siervo ang pinagtaguan sa biktima.
Sa salaysay ng anak ni Arcita na si Celestina na nakatanggap siya ng tawag sa mga kidnaper na humingi ng P300,000.00 ransom demanda at naibaba nila ito sa P 120.000.
Humingi ng tulong sa PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) si Celestina matapos na magbanta ang mga kidnaper na papatayin ang kanyang ina sa oras na hindi maibigay ang P100,000 matapos niyang makapagpadala ng inisyal na ransom na P20,000.00 sa pamamagitan ng Smart Pera Padala.
Ang ginang ay pinalaya sa Brgy. Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna matapos na nagsagawa ng backtracking operation ang PNP-AKG operatives sa safehouse na pinagtaguan sa ginang sa Purok 4, Brgy. Tranca, Bay, Laguna at dito na narekober ang kulay berdeng Toyota Corolla na may plakang WBH (840) na ginamit sa kidnapping.
Narekober sa loob ng behikulo ang isang granada, isang MP4 Bushmaster na may M203 grenade launcher, apat na M16 rifle na may 75 piraso ng bala; tatlong piraso ng M203 grenade, isang PNP GOA C uniform, badge number 210122 na nakapangalan kay Siervo.
- Latest