5 holdaper todas sa Batangas
MANILA, Philippines — Patay ang 5 pinaghihinalaang holdaper nang makipagbarilan sa mga otoridad habang dalawa pang kasama ang nasakote naganap kahapon ng umaga sa mga Sitio Palakulan, Brgy. Wawa, Nasugbu, Batangas.
Ang mga napatay na suspek ay magkakapatid na sina Rudy Francisco alyas Kambal; Roland Francisco; Rico Francisco alyas Nono; Arian Hernandez at isang alyas Scoth Pacia.
Habang naaresto ang dalawa pang suspek na sina alyas Eva at alyas Eric .
Batay sa ulat, bago nangyari ang barilan bandang alas-5:50 ng umaga ay isinisilbi ng arresting team ang mga warrant of arrest at search warrant sa hideout ng mga suspek sa nasabing lugar.
Subalit, sa halip na sumuko ang mga suspek ay pinaputukan ang mga otoridad na gumanti ng putok at napatay ang mga una.
Nabatid na ang mga suspek ay nago-operate sa buong lalawigan ng Batangas at maliban sa robbery/hold up na gawain ay sangkot din ang mga ito sa illegal drug trade.
Sa tala ng Francisco robbery group ay sangkot sa P3-M robbery/holdup sa Batangas City noong nakalipas na taon; panghoholdap sa Petron gasoline station sa Nasugbu, Batangas; panghoholdap sa bayan ng mayamang si Al Perez sa Ramos Subdivision sa Brgy. 3, Nasugbu.
Bukod sa pagnanakaw sa mga kabahayan ay sangkot din ang grupo ng mga suspek sa pangangarnap ng mga motorsiklo at nasa drug watchlist ng Nasugbu Police.
Nasamsam ng mga otoridad ang mga armas na ginamit ng mga suspek tulad ng isang cal. 45 pistol, dalawang cal. 38 revolver, isang Magnum . 22 revolver at isang hand grenade.
- Latest