P100K ibinayad sa 3 suspek para patayin si Fr. Nilo
MANILA, Philippines — Naaresto na ng mga otoridad ang apat na lalaki kabilang ang utak na nagbayad ng P100,000 upang barilin at patayin si Fr. Richmond Nilo bago magmisa noong Hunyo 10 ng gabi ng taong ito sa Zaragosa, Nueva Ecija.
Ayon kina PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Roel Obusan at Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus na halos lutas na ang kasong dahil hawak na nila ang apat na mga salarin na kinilalang sina Omar Mallari, self confessed gunman; Manuel Torres, isang magi-itik na itinurong mastermind sa krimen; mga kasabwat sa pamamaslang na sina Marius Albis at Ronald Garcia.
Si Mallari ay nasakote noong Biyernes (Hunyo 29) sa Arayat, Pampanga dahilan sa pisikal na ebidensya sa sasakyan na ginamit sa krimen na nakapangalan dito na nakunan ng CCTV footage sa lugar.
Sumunod na nasakote si Manuel habang sina Albis at Garcia ay sumurender naman sa mga otoridad.
Ikinanta ni Mallari sa mga otoridad na binayaran siya ni Torres ng P100,000 upang patayin si Fr. Nilo at bahala na itong maghanap ng makakasama sa pagsasakatuparan sa krimen.
Si Torres ay tiyuhin ni Christopher Torres, may kasong pangmo-molestiya sa mga sakristan ni Fr. Nilo na siyang lumilitaw na motibo sa krimen.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon, ayon sa opisyal na nagtanim ng galit si Torres kay Fr. Nilo matapos na hindi matuloy ang pagpapari ni Christopher na isang seminarista dahilan sa pagpupursige ni Fr. Nilo na tumulong sa pagsasampa ng kaso laban dito upang ipagtanggol ang mga namolestiyang tatlo nitong mga sakristan.
Bukod sa pagpatay kay Fr. Nilo ay may nakabimbin ring warrant of arrest si Mallari sa kasong robbery homicide.
- Latest