Pagpapatalsik kay Sereno pinagtibay ng SC
MANILA, Philippines — Tuluyan nang pinatalsik sa kanyang puwesto bilang punong mahistrado ng Korte Suprema si Atty. Maria Lourdes Sereno.
Ito ay makaraang ibasura ng Korte Suprema sa kaparehong boto na 8-6 ang motion for reconsideration ni Sereno na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ng hukuman na pabor sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
Pinanindigan ng Korte Suprema ang nauna nitong pasya dahil luma na umano ang mga argumentong inilahad ni Sereno sa kanyang apela kaya walang dahilan para baligtarin ang kanilang May 11 decision.
Kaugnay nito, irerekomenda na ng House committee on Rules sa plenaryo ng Kamara na ibasura ang impeachment case laban sa dating chief justice.
Ayon kay House Majority leader Rodolfo Fariñas, dahil pinal na ang desisyon ng SC sa quo warranto case ni Sereno kaya ipababasura na niya ang impeachment case ng dating punong mahistrado.
Ininutos na rin ng Korte Suprema na simulan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang proseso ng aplikasyon para sa susunod na Chief Justice kung saan mayroong 90 araw para humirang ng bagong punong mahistrado magmula nang mabakante ang posisyon, ayon sa 1987 Constitution
- Latest