27.7-M estudyante dadagsa ngayon - DepEd
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 27.7 milyong estudyante ang dadagsa sa iba’t ibang paaralan ngayong araw na hudyat ng pagbubukas ng school year 2018-2019.
Ito ang inihayag ni Department of Education (DepEd) Usec. Tonisito Umali at handa na umano ang kagawaran, mga guro, school officials at lahat ng paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni Umali, sa 27.7 million students, ang 22 milyon dito ay naka-enrolled sa pampublikong paaralan habang ang mahigit sa 5-milyon ay naka-enroll sa mga pribadong paaralan.
Sa public schools, ang 2.2 milyon ay kindergarten, 12.2 milyon ay elementary students, 6.4 milyon ay junior high school (Grade 7-10) students, at 1.3 milyon ay nasa senior high school (Grades 11 at 12) students.
Sa private schools ay nasa 243,818 sa kindergarten, 1.2 milyon sa elementary, 1.3 milyon sa junior high school, at 1.2 milyon sa senior high school.
Idinagdag pa ni Umali, tataas pa ang bilang ng mga mag-aaral dahil tatanggapin pa rin ang mga late enrollees.
- Latest