Drug lord na nasa listahan ni Duterte, nadakip sa Taiwan
MANILA, Philippines — Nasakote sa Taiwan matapos ang mahigit 10 buwang pagtatago sa batas si Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na kabilang sa mga nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang konsehal ay naaresto noong Miyerkules ng gabi dahil sa illegal entry na paglabag sa immigration laws.
Ayon kay Manila Economic and Cultural Office representative Lito Banayo na walang nakitang armas o droga sa kanya ng mga Taiwan police.
“Hindi sila magkaintindihan ng officer na umaresto kagabi. Assuming na overstaying siya, it is a violation of immigration laws. Hindi pa kasi alam kung kailan siya pumasok sa Taiwan,” dagdag ni Banayo.
Si Ardot ay nakababatang kapatid ng hinihinala ring narcopolitician na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. na napatay sa anti-drug operation kasama ang 15 iba pa sa raid sa kanilang tahanan sa Brgy. San Roque, Ozamiz City noong Hulyo 30 ng nakalipas na taon.
Base sa inisyal na impormasyon na si Councilor Parojinog ay nagtangkang pumasok sa Taiwan gamit ang mga illegal na dokumento sa immigration doon.
Ang pagkakaaresto kay Ardot ay limang araw matapos namang salakayin ng mga otoridad ang tanggapan nito at inn sa lungsod ng Ozamiz kung saan maraming mga matataas na kalibre ng baril at illegal na droga ang nakumpiska.
Magugunita na nagpalabas ng P 5 M reward si Pangulong Rodrigo Duterte para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng suspek .
Nagsimulang magtago si Ardot noong Enero 2017 matapos na tukuyin ni Pangulong Duterte na kabilang sa nasa narcolist.
Ang angkan ng mga Parojinog ay isinangkot ni Pangulong Duterte sa illegal drug trade.
- Latest