1 guro kada 25 stude target ng DepEd
MANILA, Philippines — Target ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na lalo pang mapababa ang teacher-student ratio sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa darating na school year 2018-2019.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Planning and field Operations Jesus Mateo, kung kakayanin ng kagawaran ay plano nilang gawin na 1 guro kada 25 estudyante para matutukan nang husto ang pag-aaral ng mga ito.
Sinabi ni Mateo, sa ngayon ang teacher-student ratio sa mga pampublikong paaralan ay 1 is to 33 sa elementarya, at 1 is to 28 naman sa high school, pero sa ibang mga paaralan sa Metro Manila ay mas mataas pa ito na umaabot sa 1 is to 50.
Inamin din ni Mateo na malaking bilang pa ng mga guro ang kailangan ngayon ng DepEd para mangyari ang target nilang teacher-student ratio.
Aniya sa kindergarten at elementary ay nangangailangan ang DepEd ng 40, 642 na mga guro, sa junior high school ay 34, 244 habang 356 naman para sa senior high school.
Tinukoy ni Mateo, ang mga kailangang guro ay idi-distribute sa buong bansa, partikular sa area ng CALABARZON, Central Luzon, at Central Visayas.
Ikinatuwa ni Mateo ang maagang approval ng Department of Budget and Management (DBM) para mag-hire sa 75,242 na mga bagong public school teachers sa bansa.
- Latest