Repatriation ng OFWs sa Kuwait ikinasa
Total deployment ban, utos ni Digong
MANILA, Philippines — Ikinakasa na ng pamahalaan ang mass repatriation o paglilikas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait alinsunod sa mahigpit na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagkakadiskubre sa bangkay ng isang Pinay na nakasilid sa isang freezer sa nasabing bansa.
Kamakalawa sa kanyang talumpati, binigyan ni Pangulong Duterte ng 72 oras si Labor Secretary Silvestre Bello III para ibalik sa bansa ang mga OFWs na gusto nang umuwi sa bansa.
Kasabay nito, idineklara ng Pangulo ang total ban o pagbabawal sa pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait.
“So there is a total ban now of workers to Kuwait. And I have given the --- Bello 72 hours. Seventy-hours to go there and pick up the Filipinos na gustong umuwi,” anang Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na anumang uri ng pang-aabusong pisikal sa isang overseas Filipino worker (OFW) saan mang dako ng mundo ay maituturing na pananakit na dadalhin ng Pangulo bilang pinuno ng bansa.
“The Filipino is no slave to anyone, anywhere and everywhere. Every unlawful physical injury that is inflicted on an OFW is an injury (that) I personally bear as the head of this Republic,” pahayag ni Duterte.
Binigyan din ng Pangulo ng Sinabi pa ng Pangulo na kung nais ni Lucio Tan, may-ari ng Philippine Airlines na maging “sweety-sweety” sila ay magpadala ito ng limang eroplano sa Kuwait.
“Now kung gusto ni Lucio Tan na sweety-sweety kami eh ‘di magpadala siya ng limang eroplano doon. Pakatapos libre doon pa ako magkain sa kanya bukas ng gabi,” sabi ng Pangulo.
Hihilingin din umano ng Pangulo sa Cebu Pacific na magpadala ng eroplano para sa mga gustong bumalik sa bansa.
“I want them out of the country those who want to go out in 72 hours,” sabi pa ng Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na lumalabas na bawat oras ay may mga pinapahirapang Pilipino sa nasabing bansa.
Nauna rito, umapela ang Pangulo sa Kuwait na itigil ang pang-aabuso at hindi makataong pagtrato sa mga OFWs.
Kaugnay nito, umaksyon na ang Cebu Pacific sa pahayag ng Pangulo at sinabi na isang eroplano para sa special flight ang kanilang ipadadala sa Kuwait para makatulong sa repatriation ng mga OFWs.
Ang sinumang OFWs na gustong umuwi sa Pilipinas ay tutulungan ng Cebu Pacific na makabalik ng bansa.
Nakikipag-ayos ang nasabing kumpanya sa Department of Foreign Affairs at sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait sa airlift details at iba pang travel arrangements.
Ihahayag ng Cebpac ang iba pang mga mahahalagang impormasyon oras na ma-pinal na ang pinag-uusapan.
- Latest