Bagon ng MRT-3 nagliyab
MANILA, Philippines — Nabulabog at nagpanik ang mga mananakay ng Metro Rail Transit (MRT) 3 nang biglang umusok at nagliyab ang isang bagon nito habang bumibiyahe sa pagitan ng Araneta Center at GMA Kamuning Station sa Cubao, Quezon City kahapon ng hapon.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, dakong ala-1:42 ng hapon nang maganap ang ‘smoke emission’ sa southbound track ng tren dahilan upang huminto at muling maantala ang biyahe nito.
Napilitan namang magsibaba ang mga dismayadong mananakay na naglakad sa tabi ng riles patungo sa Araneta Center-Cubao Station.
Naapula naman ng mga rumespondeng bumbero ang apoy na nagmula sa ‘electronic components’ ng isa sa mga bagon dakong alas -2:15 ng hapon.
Bunga nito ay naantala ang biyahe ng tren at nilimitahan na lamang sa 12 tren mula Taft Avenue Station hanggang Shaw Boulevard, Mandaluyong City; pawang sa northbound at southbound tracks.
- Latest