Dagdag sahod ng guro sa 2020
Babalangkasin pa ng DBM...
MANILA, Philippines — Taong 2020 ang aantayin ng mga guro para mabalangkas ng Department of Budget and Management (DBM) sa magiging umento ng kanilang sahod.
Ayon kay DBM Sec. Benjamin Diokno, kailangang ipatupad muna nila ang Salary Standardization Law (SSL) na inaprubahan ng Kongreso bago sila makapagbalangkas ng bagong salary increase sa mga guro sa pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay Sec. Diokno, hindi sila pwedeng mag-overspending sa halagang inaprubahan lamang ng Kongreso na nakasaad sa SSL.
Ipinaliwanag pa ni Diokno sa forum kahapon sa DBM, may apat na yugto ang SSL at nasa ikatlong yugto pa lamang sa taong ito kaya mayroon pang natitirang isang taon ng pagpapatupad nito hanggang 2019.
Winika pa ng DBM chief, kung tutuusin sa ilalim ng SSL ay may salary increase ng ipagkakaloob sa mga guro maliban pa ito sa karagdagang take home pay nila dahil sa pagpapatupad ngayong taon ng Tax Reform Acceleration and Inclusion Law (TRAIN).
- Latest