3,000 vendors ‘winalis’ sa kalsada
MANILA, Philippines — Sa unang linggo ng unang buwan ng 2018, may 3,000 illegal sidewalk vendors ang “winalis” ng clearing at cleaning operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon sa area ng Pasay at Parañaque City.
Ayon sa hepe ng sidewalk clearing operation ng MMDA na si Francis Martirez, alas-5:00 pa lamang ng umaga kahapon ay nagsimula na silang maglinis kontra illegal sidewalk vendors sa area ng Taft-Rotonda, Pasay City at Redemptorist-Baclaran, Parañaque City.
Ito ay bunsod sa kasunduan ng MMDA, pamahalaang lokal ng Pasay at pamahalaang lungsod ng Parañaque, na pinayagan lamang magtinda ang mga vendor ay noong Disyembre 10, 2017 hanggang kahapon, Enero 6.
Para na rin aniya sa “humanitarian reason,” napagbigyan ang mga vendors na kumita sila nitong nakaraang Kapaskuhan.
Matapos ang ibinigay na taning ng MMDA, muling ikinasa ang clearing at cleaning operation NG MMDA kontra sa mga illegal sidewalk vendors. Nakiisa naman ang ilang mga vendors sa kampanya, at nagkusa nang tanggalin ang kanilang puwesto. Tinulungan na lamang ng clearing groupo na maghakot ng kanilang mga paninda ang mga vendors.
Malamang na araw-arawin nila ang kanilang operasyon para bantayan ang mga manininda at huwag ng bumalik ang mga ito sa mga bangkenta.
- Latest