7 NPA terrorist napatay
MANILA, Philippines — Nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang isang malaking kampo ng New People’s Army (NPA) terrorist at dito ay napatay ang 7 miyembro sa umaatikabong bakbakan sa hangganan ng Sultan Kudarat at South Cotabato sa gitna na rin ng inilunsad na Focused Military Operations (FMO).
Batay sa ulat, bandang alas-12:00 ng tanghali nang makasagupa ng tropa ng Army’s 27th Infantry Battalion at Army’s 33rd Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga terorista sa pinagkukutaan ng mga ito kamakalawa sa Sitio Datal Bonglangon, Brgy. Ned, Lake Sebu na nasa hangganan ng South Cotabato at Sultan Kudarat na ikinasawi ng 7 rebelde kabilang ang lider ng tribo na si Datu Victor Damian at dalawa nitong anak na lalaki at dalawang sundalo rin ang nasawi.
Sinabi ni Army’s 33rd Infantry Battalion (IB) Commander Col. Harold Cabunoc, na nasa 30 NPA terrorists ang nakasagupa ng tropa ng militar na inokupa ang mga bunkers kung saan ang palitan ng putok ay tumagal nang hanggang alas-2:45 ng hapon.
Napilitan namang magsitakas ang mga terorista, matapos na magresponde ang Charlie Company, 7th Field Artillery Battalion (IB) na inabandona ang mga napaslang nilang kasamahan.
Ang bakbakan ay nagresulta sa pagkakakubkob ng nasabing kampo at pagkakasamsam ng mga armas na kinabibilangan ng tatlong shotgun, isang Ingram, isang carbine at mga subersibong dokumento.
Bandang alas-3:00 naman ng hapon nitong Lunes ay nagsisuko ang 10 NPA terrorists ng Platoon Arabo ng Guerilla Front 73, may isang kilometro mula sa pinangyarihan ng bakbakan.
- Latest