Lider ng Piston inaresto
MANILA, Philippines — Bago pa makapaglagak ng piyansa si George San Mateo, pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide sa Quezon City Hall of Justice ay inaresto ito ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng tanghali.
Si San Mateo ay lumabag sa Section 20 of the Commonwealth Act No.146 o Public Service Act kaugnay ng kanilang isinagawang transport strikes noong Pebrero 27,2017 para tutulan ang Jeepney Modernization Program ng pamahalaan at magpipiyansa sana ito ng P4,000 dakong ala-1:30 ng hapon sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 43 Judge Don Ace Mariano Alagar.
Hindi na pinahintulutang makapasok sa gusali ng Hall of Justice si San Mateo nang siya ay arestuhin ng mga otoridad ng QCPD station 10 at dalhin sa Kamuning police station.
Ayon kay Atty. Vicente Jaime Topacio, abogado ni San Mateo, isa lamang minor offense at bailable ang kinakaharap na kaso ng kanyang kliyente, pero hindi umano nirespeto ang karapatan nito na magpiyansa sa halip ay inaresto pa.
Makaraang sumailalim sa ‘proper procedure’ ay pormal nang nakapaglagak ng piyansa si San Mateo at ilang oras lang ay pinalaya na rin ito.
- Latest