Pamilya ni Kian isasailalim sa WPP
MANILA, Philippines - Nadagdagan pa ang grupong nagpahayag ng suporta at tulong sa pamilya ng pinaslang na si Kian Loyd Delos Santos sa umano’y anti-illegal drug operation kamakailan sa Caloocan City.
Ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption, handa umano silang magkaloob ng tulong-ligal sa pamilya ni Kian para matiyak na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng binatilyo.
Ayon kay VACC Spokesperson Arsenio Evangelista, imumungkahi rin nila kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isailalim ang pamilya Delos Santos pati na ang mga gustong tumestigo sa pagpatay kay Kian sa Witness Protection Program para matiyak na uusad ang ihahaing kaso lalo pa’t sangkot ang mga pulis sa pagkamatay ni Kian.
Tiniyak ni Evangelista na suportado pa rin nila ang kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga, pero hindi umano ito dapat nauuwi sa pag-abuso ng mga pulis.
Samantala, iginagalang ng Malacañang ang karapatan ng mga mamamayan na mag-rally upang ihayag ang kanilang mga sentimiyento kaugnay sa mga rally na balak idaos para kay Kian.
Ito ang sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na pinapayagan nito ang mga protesta ng mga mamamayan basta’t hindi ito nagiging sagabal sa gawain ng publiko at hindi nalalagay sa alanganin ang seguridad ng mga mamamayan.
- Latest