Kotse pisak sa cement mixer: 5 sugatan
MANILA, Philippines - Nagmistulang latang nayupi ang isang puting kotse nang madaganan ng isang cement mixer truck na ikinasugat ng limang miyembro ng pamilya na patuloy na inoobserbahan sa ospital naganap kahapon ng hapon sa Mindanao Avenue, Quezon City.
Ang limang biktima na isinugod sa Metro North Medical Center ay kinilalang sina Ulyses Ramos, 35, at kanyang asawang si Marife, dalawang sanggol, at isang 12-anyos na batang babae.
Batay sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nasa pagitan ng alas-4:00 at alas-5:00 ng hapon nang maganap ang aksidente sa tapat ng headquarters ng Bureau of Jail and Management and Penology (BJMP) sa Mindanao Avenue matapos na mawalan umano ng preno ang cement mixer ng Topstar Readymix Concrete Inc. na sumampa sa center island at dumagan sa katabing puting kotse na Honda(AOA-3301).
Lumalabas sa imbestigasyon na apat katao ang unang nailabas sa loob ng kotse at dinala sa nasabing ospital.
Habang nahugot pagkalipas ng dalawang oras ang driver ng kotse.
Nasa kustodya na ng pulisya ang truck driver ng cement mixer.
- Latest