Duterte pinirmahan ang batas ng libreng tuition sa SUCs
MANILA, Philippines - Naging ganap ng batas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act para sa mga estudyante ng mga State Universities and Colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at mga tech-voc institutions na pinapatakbo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa bansa matapos itong pirmahan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag kahapon ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra sa isang press conference.
Bago nilagdaan ay tinimbang muna ito ng Pangulo at mas pinahalagahan ang pangmatagalang benepisyo na makukuha.
Dahil naisumite na sa Kongreso ang national budget para sa susunod na taon kung saan hindi kasama ang pondo para sa libreng tuition fees ng mga nag-aaral sa SUC, sinabi ni Guevarra na maaring magkaroon ng adjustment at reallocation.
Matatandaan na ipinasa ng Kongreso sa Malacañang ang panukalang batas noong Hulyo 5.
Nauna ng inihayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na posibleng hindi kayanin ng gobyerno ang pagbibigay ng libreng tuition sa mga SUCs dahil kailangan itong pondohan ng P100 bilyon taun-taon.
Magkakaroon rin ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education kung saan maaaring mag-avail ng loans ang mga estudyante sa kolehiyo.
Ikinagalak naman kahapon ng hanay ng mga kabataan at ng mga Kongresista ang paglagda ni Pangulong Duterte sa nasabing batas.
- Latest