Foreign journalist nasapol ng Maute sniper
MANILA, Philippines - Tinamaan ng ligaw ng bala mula sa sniper ng Maute ang isang foreign journalist habang ito ay nagsasagawa ng coverage sa kaguluhan sa Marawi City na mahigit tatlong linggo na ang bakbakan sa pagitan ng mga terorista at tropa ng pamahalaan.
Kinilala ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., ang nasugatang biktima na si Australian journalist Adam Harvey, nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kaniyang leeg.
Sa report, si Harvey ay tinamaan ng stray bullet o ligaw na bala habang abala sa kaniyang pagre-report sa labas ng Provincial Capitol compound sa lungsod ng Marawi kahapon ng umaga.
Isinugod naman ang dayuhang biktima sa Amai Pakpak Medical Center kung saan nilagyan ito ng ‘brace’ o suporta sa kaniyang leeg.
Sa kaniyang twitter account, sinabi ni Harvey, ABC’s Indonesia correspondent ng Australian Broadcasting Corporation na bahagyang sugat lamang ang kaniyang tinamo sa insidente pero nasa kaniyang leeg pa rin ang bala.
“Thanks everyone, I’m ok , the bullet is still in my neck but it missed everything important,” pahayag ni Harvey.
Bago ang insidente, 24 oras pa lamang ang nakalilipas ay nag-tweet pa si Harvey na kagagaling lamang niya sa malagim na coverage sa Marawi City “ Brutal times in the Philippines”.
Nanawagan naman si Padilla sa mga mamamahayag na manatili sa ‘safe zone’ na itinalaga ng mga otoridad upang maiwasan ang mapahamak dahilan sa masyadong peligroso ang sitwasyon sa Marawi City na nagsimula ang gulo noong Mayo 23 nang umatake ang mahigit 100 Maute-ISIS terrorists.
- Latest