NPA lider tiklo sa checkpoint
MANILA, Philippines - Isang mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasakote ng security forces matapos itong maharang sa checkpoint sa lalawigan ng Cagayan kamakalawa ng hapon.
Ang naarestong lider ng NPA ay kinilalang si David Soriano, Regional Secretary ng West Cagayan Front at driver ng Starex van na sinasakyan nito na si Cipriano.
Batay sa ulat ng Cagayan Police, bandang alas- 5:00 ng hapon nang masakote ang suspek sa checkpoint sa bayan ng Peñablanca.
Nang siyasatin ang van ay nakakuha ang mga operatiba ng dalawang kalibre-.9mm baril na pag-aari ng PNP, isang fragmentation grenade, rifle grenade, at mga subersibong dokumento.
Nasa kostudiya na ng Cagayan provincial police ang dalawang suspek at nakatakdang kasuhan ng illegal possession of firearms and explosives.
Bukod dito, may mga nakabinbing warrant of arrest din laban kay Soriano para sa iba pang kasong gaya ng murder, frustrated murder, at robbery-in-band.
Nabatid pa na si Soriano ay “primary suspect” sa pagpatay kay Gonzaga Mayor Carlito Pentecostes, na binaril sa flag-raising ceremony noong 2014.
- Latest