P3-M halaga ng shabu nasamsam
MANILA, Philippines - Nasa P3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang 30-anyos na buntis sa isinagawang operasyon sa Biñan, Laguna ng mga tauhan ng Northern Police District- Drug Enforcement Unit (NPD-DEU), Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni NPD Director Chief Supt. Roberto Fajardo ang suspek na si Rohanie Ampuan Magdara, na nadakip dakong alas-11 ng gabi sa kanyang tahanan sa may Block 8 Lot 33 Famille International, Brgy. Dela Paz, Biñan, Laguna. Dito nadiskubre at nasamsam sa kanyang posesyon ang nasa 900 gramo ng hinihinalang shabu.
Nadakip naman sa hiwalay na operasyon ang mga kasabwat ni Ampuan na sina Julius Garcia, 30; Jefrey Sangalan, 26; at Zaldy Medina, 32, pawang residente ng Malabon City at Angelito Legazpi, ng Brgy. 4, Caloocan City.
Unang nadakip sa isang buy bust operation sa Julian Felipe St., Brgy. 8, Caloocan City si Garcia dakong alas-5:30 ng hapon. Sunod na bumagsak sa pulisya sina Sangalan, Medina at Legazpi sa isa pang operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska sa 27 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng higit P100,000. Sa interogasyon, itinuro ni Garcia si Magdara na pinanggagalingan ng kanyang suplay ng drogang ibinibenta. Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa Laguna na nagresulta sa pagkakadakip kay Magdara. Ayon sa pulisya, nakatakdang magdeliber ng shabu ang walong buwang buntis na si Magdara nang siya’y madakip. Nakasulat sa pakete ng mga shabu ang pangalan ng mga personalidad na pagdadalhan ni Magdara ng droga na siyang pokus ng imbestigasyon ngayon ng pulisya.
- Latest