Seajacking ng Abu Sayyaf nasilat
MANILA, Philippines - Isang cargo vessel na tinangkang harangin ng Abu Sayyaf Group para dukutin ang mga tripulante sa karagatan ng Zamboanga del Norte ang nasilat ng mga elemento ng Philippine Navy (PN) at Philippine Air Force (PAF) kamakalawa.
Batay sa ulat ni AFP-Western Mindanao Command Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., bandang alas-8:00 ng umaga ay naglalayag ang M/V Annabelle sa karagatan sa pagitan ng bayan ng Siocon at Liloy patungo sa Zamboanga City nang mag-distress call ito.
Ayon sa ‘distress call’ ng M/V Annabelle tatlong speed boats na may mga lulang armadong lalaki ang nagtangkang umatake at lumulan sa kanilang cargo ship na pinaniniwalaang mga bandidong Abu Sayyaf na naghahanap ng panibagong mabibihag.
Agad namang ipinag-utos ni Galvez ang pagdedeploy ng air at naval assets ng AFP-Westcom upang pigilan ang masamang tangka ng mga bandido na mabilis namang nagsitakas matapos ng mga itong mamataan ang paparating na security forces.
Ang M/V Annabelle ay ineskortan naman ng Philippine Navy Patrol Craft 395 patungong Zamboanga City upang matiyak na ligtas itong makakadaong sa pantalan.
- Latest