PRRC minamadali ang rehabilitasyon ng mga estero
MANILA, Philippines - Pinaigting ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang pagsisikap upang mapaganda ang kalidad ng tubig sa rehabilitasyon ng mga estero, sapa, ilog at iba pang daanang tubig sa Metro Manila.
Nakipag-ugnayan kamakailan ang PRRC sa pamumuno ni Executive Director Jose Antonio E. Goitia sa Department of Public Works and Highways–North Manila Engineering Office (DPWH-NMDEO) at napag-usapan ang kaukulang aksyon para sa pagpapatupad ng kanilang priority estero projects.
Uunahin ng PRRC at DPWH ang linear park development sa Estero de Dela Reina sa Maynila sa konstruksiyon ng revetment walls o pader bago magtutulungan ang PRRC at Filinvest Land Inc. (FLI) sa proyektong magpapaganda sa lugar bilang parke.
Pabibilisin naman ng PRRC ang relokasyon ng informal settler families (ISFs) sa may Estero de San Lazaro sa may Fugoso St., malapit sa Arellano High School sa 2018 para masimulan ang revetment works ng DPWH sa 2019 at ang linear park development ng PRRC sa 2020.
Ayon kay Goitia, sisimulan ng PRRC sa Mayo ang pagbuwag sa malalaking pribadong estruktura na sumakop sa Estero de San Miguel sa Maynila para makapagbukas ng daanan mula P. Casal St. patungong Arlegui bridge at aayuda ang DPWH sa mabilis na implementasyon nito.
“Kailangan talaga ang political will dahil kapag hindi tayo kumilos at magtutulungan ay mahihirapan na tayong mapaganda ang antas ng tubig ng Pasig River sa Class C na pangunahing layunin ng PRRC,” sabi ni Goitia na mataas na opisyal din ng PDP Laban.
- Latest