5 kidnaper tiklo, bihag nasagip
MANILA, Philippines - Limang miyembro ng Bicol/Southern Tagalog kidnapping for ransom group ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang magkahiwalay na search and rescue operation na nagresulta nang pagkasagip sa bihag nilang negosyanteng Tsinoy sa lalawigan ng Camarines Sur at Albay.
Kinilala ang nasagip na bihag na si Francis Leo Santa Maria Maulion,poultry farm owner at nabawi ang P1.2 M ransom sa mga suspek na kinilalang sina Joven Ortiz; Gerry Mancera, 46; Jefferson Cuachin, 26; Prudencio Ruiz at Cesar Garcia Jr., 47.
Pinangunahan ng Anti-Kidnapping Group (AKG) at Police Regional Office 5 ang paghahanap sa iba’t ibang lugar sa Camarines Sur at Albay.
Humingi naman ng paumanhin si PNP Chief Director General Ronald dela Rosa sa mediamen dahilan hindi muna nila isinapubliko ang insidente dahil sa patuloy ang search and rescue operations sa dahilan hindi pa naaresto ang karamihan sa mga kidnaper.
Nabatid na si Maulion ay binihag ng mga kidnaper sa poultry farm sa Brgy. Kamuning, Calabanga, Camarines Sur noong Nobyembre 23, 2016.
Noong nakalipas na Marso 6 bandang alas-4:00 ng hapon ay nagkaroon ng putukan sa ransom pay-off sa hangganan ng Sitio Nabuntugan, Banga Caves, Ragay, Camarines Sur sa pagitan ng mga operatiba at walong kidnaper.
Nasakote sa operasyon si Ortiz hawak ang P1.2 M ransom at nasamsam sa pag-iingat nito ang cal. 45 pistol na may 16 bala pero nakatakas ang iba pa nitong kasamahan na nagpulasan ng takbo sa bundok sa naturang lugar.
Sa isinagawang tactical interrogation ay ikinanta ng suspek ang pinagtataguan sa negosyante na matagumpay na nasakote ng sumunod na araw sa operasyon sa Brgy. Itulan, Pasacao, Camarines Sur habang tumatakbo patakas ang mga kidnaper.
Nitong Marso 9 ay natunton ang hideout ng mga kidnaper na isa sa dalawang safehouse na pinagtaguan sa bihag habang sa serye ng operasyon ay nasakote ang apat pa sa mga suspek na positibong kinilala ng negosyante.
- Latest