2 katao pinabulagta
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapaslang ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin ang dalawang lalaki sa Brgy. Payatas, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Sa report ni PO3 Zaldy Notarte ng Tactical Operation Center (TOC) ng QCPD Police Station 6, isinalarawan ang hindi pa kilalang mga biktimang lalaki na nasa 25 - 30 taong gulang, nasa 5’1” at 5’3” ang kanilang taas, kayumanggi; nakasuot ng t-shirt at parehong nakamaong - pants.
Lumitaw sa imbestigasyon, dakong alas - 4 ng madaling araw nang makarinig ng mga putok ng baril ang ilang residente sa bahaging likuran ng Penaflor Junkshop sa may Payatas Road, Group 9, Area B, Brgy. Payatas ng lungsod.
Agad namang nakaresponde ang mga elemento ng QCPD PS6, Batasan Police at dito’y tumambad sa mga ito ang duguang bangkay ng nakahundasay na dalawang lalaki na may mga tama ng bala sa ibat bang bahagi ng katawan.
Nakuha ng mga elemento ng Scene on the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang walong basyo ng bala ng .45 pistol. Iniimbestigahan pa ang kasong ito.
- Latest