2 traffic enforcers naaktuhan sa kotong
MANILA, Philippines - Dalawang traffic enforcers ang natimbog ng mga operatiba ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) sa isinagawang entrapment operation matapos nilang kotongan ang ilang motorista sa Pasig City nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni PNP-CITF Commander P/Sr. Supt. Chiquito Malayo ang mga naarestong suspect na sina PO3 Higino Dancel at SPO1 Johan Vega ng Traffic Division ng Pasig City Police.
Bandang alas-6:05 ng gabi ayon kay Malayo nang masakote ang dalawang traffic enforcers sa kanilang tanggapan sa Brgy. Caniogan sa lungsod ng Pasig matapos na ireklamo ng mga motoristang nabiktima ng mga ito.
Ayon sa imbestigasyon, hinihingan umano ng dalawang parak ng P10,000.00 ang kanilang huling biktima kapalit ng traffic investigation report para sa insurance claim ng nabangga ng mga itong sasakyan gayong ito’y libre lamang na ibinibigay.
Nang mabatid ang insidente ay agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad at nahuli sa akto ang dalawang parak habang tinatanggap ang P 10,000.00 marked money.
Hindi na nakapalag ang mga ito matapos na arestuhin ng mga pumosteng CITF operatives at narekober sa mesa ng dalawang parak ang marked money na ginamit sa operasyon. Ang dalawang pasaway na traffic enforcers ay dinala na sa tanggapan ng PNP CITF Headquarters sa Camp Crame.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasakoteng kotongerong traffic enforcers.
- Latest